MANILA, Philippines - Isinantabi ni Bobby Ray Parks Jr. ang pananakit ng kanyang likod para tulungan ang Hapee Fresh Fighters sa 84-63 panalo laban sa MP Hotel Warriors tungo sa ikawalong sunod na tagumpay sa pagtatapos ng aksyon sa 2014 ng PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa basketball gym sa Marikina Sports Complex, Marikina City.
Tumapos si Parks tangan ang 18 puntos at 12 ang ginawa niya sa unang yugto para bigyan ang koponan ng 23-16 kalamangan bago naghatid pa ng anim sa ikatlong yugto at ilayo pa sa 10 ang abante ng Hapee, 59-49.
“Hindi dapat siya maglalaro dahil tumama ang likod niya sa practice at hindi makalakad ng mabuti. Wala talaga akong masabi sa kanya dahil malaki ang sakripisyo niya sa team,” wika ni coach Ronnie Magsanoc.
Tig-12 puntos ang ginawa nina Ola Adeogun at Arthur dela Cruz at ang una ay may 14 rebounds at limang blocks habang 10 ang iniambag ni Chris Newsome upang lumapit pa sa hangaring awtomatikong puwesto sa Final Four na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan.
Sinandalan naman ng Cagayan Valley Rising Suns ang galing ng mga beteranong sina Adrian Celada, Don Trollano at Michael Mabulac para maitakas ang upset na hatid ng Racal Motors Alibaba sa 95-89 pangingibabaw sa overtime.
Si Celada ay tumipa ng limang sunod na puntos sa overtime, tampok ang tres na tuluyang nagbigay ng kalamangan sa koponan, 89-88, para maisantabi ang pagkawala ng 21 puntos bentahe, 32-11 sa ikalawang yugto.
Lumamang pa ang Alibaba na diniskartehan ni Mike Buendia dahil ang coach na si Caloy Garcia ay kasama ng Rain or Shine sa mahalagang laro sa PBA semifinals, sa 84-82 sa magkasunod na split ni Jeff Viernes.
Ngunit naka-steal si Mabulac tungo sa lay-up para umabot ang laro sa extra period sa 84-all.
“Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Pero hindi naman sa amin lamang nangyayari ang ganitong bagay. Ang mahalaga ay sa huli ay nanalo kami,” wika ni Nonoy Bonleon na siyang dumiskarte sa Rising Suns kahalili ni Alvin Pua na suspindido sa loob ng tatlong laro nang banggain ang referee sa laro laban sa Jumbo Plastic Giants.
Si Trollano ay may 16 puntos, si Eric Salamat ay may 15, 12 dito ay sa unang yugto na nagbigay ng 27-11 start at si Moala Tautuaa ay may 11 puntos at siyam na rebounds para sa Cagayan na may 7-0 baraha.
Tinapos ng MJM Builders ang three-game losing streak sa 79-64 tagumpay laban sa Wangs Basketball upang manatiling bukas ang kapirasong pintuan para sa upuan sa quarterfinals sa 2-6 baraha. (AT)