MANILA, Philippines – Asahan ang mahigpitang labanan para sa 77th UAAP juniors MVP nang tatlong manlalaro ang lumabas na may malaking tsansa na mapanalunan ang nasabing individual award.
Si Mike Nieto ng Ateneo Blue Eaglets ang nakakuha ng unang puwesto matapos ang pitong laro ngunit nakadikit sina Aljun Melecio ng De La Salle Zobel Junior Archers at Mark Dyke ng National University Bullpups.
Nakalikom si Nieto ng 69.8571 Total Statistical Points at nagmula ito sa 384 statistical points at 105 Bonus Points.
Naghatid ang sentro ng Blue Eaglets ng 15 points, 10 rebounds at 2.5 assists para tulungan ang koponan sa 7-0 marka.
Sina Melecio at Dyke ay magkasalo naman sa ikalawang puwesto tangan ang magkatulad na 67.4286 TSP.
Lumabas si Melecio bilang No. 1 sa scoring sa kanyang 16.4 points at siyang may pinakamagandang all-around stats matapos ang unang ikutan sa kanyang 6.0 rebounds, 6.0 assists at 1.7 steals para ilagay ang Junior Archers sa ikatlong puwesto sa 5-2 baraha.
Nasa ikalawang upuan ang nagdedepensang Bullpups sa 6-1 karta at si Dyke ang pangunahing puwersa ng koponan sa ibinibigay na 14.3 points, ang nangungunang 13.2 rebounds at 1.7 assists.
Naunsiyami ang hangarin ng NU na palawigin ang pagpapanalo sa liga nang matapos sa 22-game winning streak mula sa 64-66 pagkatalo sa Ateneo sa pagtatapos ng first round noong Sabado.
Ang kakambal ni Mike na si Matt Nieto ang nasa ikaapat na puwesto tangan ang 62.5714 TSP, habang si Joaquin Banzon ng DLSZ ang nasa ika-limang puwesto sa kanyang 55.5714 TSP.