MANILA, Philippines – Nagkaroon ng magandang taon ang triathlon dahil gumanda ang kanilang ratings mula sa Asian Triathlon Confederation matapos ang isinagawang evaluation sa 35 national federations na nasasakupan.
Lumabas na ang Triathlon Association of the Philippines (TRAP) ay binigyan ng taguri bilang ‘developed’ kung ang aspetong technical officials ang pag-uusapan.
Lalabas na nakasama ang Pilipinas sa China, Hong Kong, Japan, Kazakhstan, Korea, Malaysia at Singapore na may mga International Triathlon Union Level 3 Technical Officials na puwedeng mag-officiate sa Olympics, World Triathlon Series at World Cups.
Nasa ‘developed status’ din ang bansa sa coaches development habang nasa ikaanim hanggang 15th puwesto ang bansa kung ang athletes development ang pag-uusapan.
Nagdala ng kinang sa Pilipinas si Robeno Javier nang nanalo siya ng bronze medal sa Asian Beach Games duathlon sa Phuket, Thailand.
Ang mga ipinadala ng TRAP sa Asian Games sa Incheon, Korea na sina Jonard Saim (1:59:00) at Nikko Huelgas (1:59:17) sa kalalakihan at sina Ma. Claire Adorna (2:09:05) at Marion Kim Mangrobang (2:13:25) ay pawang nahigitan ang national records na 1:59:44 at 2:13:25.
Magandang inspirasyon ang pangyayaring ito para tiyakin na magpupursigi pa ang TRAP sa 2015 para maitaas pa ang antas ng bansa sa endurance sport na ito. (AT)