MANILA, Philippines – Magkakasukatan ang mga mahihilig sa zumba sa gaganaping Zumba Marathon na proyekto ng Philippine Sports Commission sa susunod na linggo.
Sa Sabado (Disyembre 27) ay idaraos ito sa Kawit, Cavite at kinabukasan ay sa Burnham Green sa Luneta ito gagawin.
Ang kompetisyon ay may dalawang kategorya na 18-40 at 41-55, at dalawang oras silang magsu-zumba at ang kalahok na nakitaan ng kakayahang sumabay sa ipinagagawa ng mga instructors ang kikilalaning pinakamahusay at mag-uuwi ng cash prize.
Lilimitahan lamang sa 300 ang kalahok sa Kawit habang nasa 500 naman ang maximum na bilang sa Luneta.
“Kailangan nating lagyan ng limit para matiyak ang kaligtasan ng mga kasali,” paliwanag ni Dr. Larry Domingo Jr., ang project manager ng PSC Laro’t Saya, PLAY N’Learn na kung saan ang zumba ay isa sa mga sports na ginagawa linggu-linggo.
Magkakaroon din ng tagisan sa football at volleyball sa Luneta at ang mananalo ay tatanggap ng P2,000.00 premyo. (AT)