Blu Boys kinapos sa Japan

MANILA, Philippines – Binawian ng Philippine Blu Boys ang Indonesia sa 4-3 panalo para umabante sa finals ng 2014 Asian Men’s Softball Championship na natapos kahapon sa Kallang Softball Diamond sa Singapore.

Ang tagisan ang tumapos sa Page System semifinals at nakabangon ang Pambansang koponan sa 8-9 pagkatalo sa Indonesia sa elimination round.

Sunod na sinagupa ng koponan ang nasa finals na Japan pero hindi umubra ang galing ng mga Pinoy na lumasap ng 5-0 shutout pagkatalo para kilalaning kampeon uli ang Japanese batters.

Bigo man ay mas maganda ang naipakita ng Blu Boys kumpara sa pagtutuos sa elimination round na nauwi sa 15-0 panalo sa Japan.

Ginamit din ang kompetisyon bilang qualifying tournament para sa World Men’s Softball Championship sa 2015 sa Saskatoon, Canada at ang nangunang tatlong bansa ay aabante kaya’t ang Japan, Pilipinas at Indonesia ang maglalaro sa prestihiyosong kompetisyon mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 5.

Mayroon ng 14 bansa ang nakapasok sa World Championship at bukod sa tatlong Asian teams ay kasali rin ang nagdedepensang kampeon New Zealand, Australia, Argentina, Dominican Republic, Mexico, USA, Venezuela, Czech Republic, Denmark, Netherlands at host Canada. (AT)

Show comments