Howard, Harden humataw sa Rockets

Pinanood na lang ni Jusuf Nurkic ng Denver ang pagdakdak ni Dwight Howard ng Houston.

HOUSTON – Hindi tiyak ni Dwight Howard kung ano ang kanyang maitutulong sa Rockets.

Nagbalik mula sa isang injury, humakot si Ho­ward ng 26 points at 13 rebounds, habang naglista si James Harden ng triple-double para banderahan ang Rockets sa 108-96 panalo laban sa Denver Nuggets.

Nakakuha rin ng karangalan si Howard, hindi nakita sa 11 laro ng Houston dahil sa strained right knee, matapos lampasan ang 10,000 rebounds sa kanyang career.

Idinagdag ni Howard na ibinabalik pa lamang niya ang kanyang tamang kondisyon at nakaramdam pa ng pananakit ng kaliwang tuhod.

Naglista naman si Harden ng 24 points, 10 assists at 10 rebounds para sa kanyang pangatlong career triple-double.

Pinamunuan ni Ty Lawson ang Nuggets sa kanyang 19 points at 12 assists, habang umiskor si Darrell Arthur ng season-high na 20 points.

Humabol ang Houston mula sa 14-point deficit sa first half nang agawin ang unahan sa second quarter.

Lumamang sila ng 7 points sa pagsisimula ng fourth quarter at ibinaon ang Denver sa 92-77.

Sa Dallas, umiskor si Stephen Curry ng 29 points para sa 105-98 panalo ng Golden State Warriors kontra sa Mavericks.

Itinala ng Warriors ang kanilang franchise-record na 15 sunod na panalo.

Lumamang ang Warriors ng 21 points sa first quarter at 28 points sa second period bago nakalapit ang Mavericks sa 7 points sa huling minuto ng final canto.

Show comments