MANILA, Philippines - Habang hindi nagpapakita ng kooperasyon si Floyd Mayweather, Jr. ay mas lalong lumalabo ang tangkang pagpa-plantsa sa super fight nila ni Manny Pacquiao.
Matapos ang press conference para sa laban nina Timothy Bradley, Jr. at Diego Chaves bukas sa Cosmopolitan sa Las Vegas, Nevada ay nakipag-usap si Bob Arum ng Top Rank Promotions sa mga reporters.
May halong lungkot ang tinig ng 83-anyos na si Arum nang talakayin ang pinaplantsa niyang Pacquiao-Mayweather mega bout.
“It’s hard for me to be so pessimistic because there’s such optimism from our side, on the Pacquiao side,” sabi ni Arum kahapon.
“But as the silence becomes defining from the Mayweather side, I become less and less optimistic. I don’t know what it’ll take to get Mayweather in the ring with Pacquiao,” dagdag pa nito.
Nakikipag-usap si Arum kay Les Moonves, ang Chief Executive Officer (CEO) ng CBS na parent network ng Showtime kung saan may exclusive contract si Mayeather.
Nauna nang sinabi ni Arum na maaari niyang ipagkasundo ang Showtime at ang HBO kung saan kasama si Pacquiao.
Ang pagkakaroon ni Pacquiao ng malaking tsansang manalo kay Mayweather ang isa rin sa mga dahilan kung bakit ayaw labanan ng American world five-division titlist ang Filipino world eight-division champion.
Hindi rin lumalaban ang 37-anyos na si Mayweather sa mga kaliweteng boksingero kagaya ng 35-anyos na si Manny.