Lady Bombers kumakasa pa
MANILA, Philippines - Nananatiling buhay ang paghahabol ng host Jose Rizal University Lady Bombers ng puwesto sa semifinals sa 90th NCAA volleyball nang talunin ang Lyceum Lady Pirates, 25-21, 25-19, 25-17, kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Maria Shola Alvarez ay may 16 kills tungo sa 17 hits, si Rasali Pepito ay may apat na blocks tungo sa 12 hits at si Iris Oliveros ay naghatid ng walong kills at dalawang blocks tungo sa 10 puntos para sa nagwaging koponan.
May 12 digs pa si Annie Macaraya para iangat ng Lady Bombers ang baraha sa 5-3 habang ang Lady Pirates ay bumaba sa 1-5 baraha.
Nanatili sa ikalimang puwesto ang JRU papasok sa kanilang huling laro sa elimination.
Samantala, bumangon ang San Sebastian Lady Stags mula sa paglasap ng unang kabiguan sa Arellano Lady Chiefs sa 25-8, 25-16, 25-10, straight sets decision laban sa Mapua Lady Cardinals.
May 12 attack points si Gretchel Soltones mula sa dalawang sets na paglalaro habang sina Nikka Marielle Dalisay, Denise Francesca Lim at Jolina Labiano ay nagsanib sa 23 hits upang ipagkaloob sa Baste ang ikapitong panalo matapos ang walong laro.
Una pa rin ang Arellano sa 6-0 baraha habang ang nagdedepensang kampeon Perpetual Help Lady Altas ay may 6-1 at ang St. Benilde Lady Blazers ay may 5-1 karta para sa ikatlo at apat na puwesto.
Nasilat naman ang Stags ng Cardinals, 17-25, 18-25, 21-25, sa men’s division para lumayo sa St. Benilde sa mahalagang ikaapat na puwesto.
Ikalimang kabiguan ito matapos ang walong laro dahilan upang umagwat pa ang Blazers na may 4-2 baraha.
Si Philip Michael Bagalay ay may 14 hits para ibigay sa Mapua ang ikalawang panalo matapos ang anim na laro. (AT)
- Latest