Altas pinigil ng Generals

MANILA, Philippines - Natapos sa 53 ang pagpapanalo ng four-time men’s defending champion Perpetual Help Altas nang lasapin ang 25-20, 15-25, 25-20, 18-25, 13-15 pagkatalo sa Emilio Aguinaldo College Generals sa 90th NCAA volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Howard Mojica ay may 21 kills tungo sa 23 puntos habang sina Sid Raymond Gercilla, Israel Encina, Kerth Melliza at Hariel Doguna ay may 16, 14, 12 at 11 puntos para angkinin din ng Generals ang ikapitong sunod na panalo.

Bumaba sa ikalawang puwesto ang Altas sa 6-1 karta at si Allan Jay Sala-an ang nanguna sa koponan sa 17 hits.

Itinaas ng nagdedepensang kampeon sa kababaihan na Perpetual Help Lady Altas ang karta sa 6-1 panalo-talo nang daigin ang EAC Lady Generals, 25-23, 25-20, 25-23.

 Pinagtibay ng St. Benilde Lady Blazers ang paghahabol ng puwesto sa Final Four nang hiritan ang San Beda Lioness ng 25-9, 25-11, 25-15 panalo sa isa pang laro.

 Nagwagi rin ang Blazers sa Lions, 25-11, 25-17, 25-17, para kapitan din ang mahalagang ikaapat na puwesto sa kalalakihan sa 4-2 baraha.

 

Show comments