Liderato inagaw ni Suede sa Indian WIM sa Asian Jrs
TAGAYTAY CITY, Philippines --Ginulantang ni Mikee Charlene Suede si Indian Woman International Master Furtado Ivana Maria para angkinin ang liderato sa women’s division ng 2014 Asian Juniors and Girls Championships sa Tagaytay International Convention Center kahapon.
Pinuwersa ng 20-anyos na si Suede si Ivana Maria na sumuko matapos ang 62 moves ng isang Center Counter Defense para sa kanyang 5.5 points at unahan ang 2012 Asian Juniors titlist na may 5.0 points.
Ito ang pang-limang sunod na panalo ni Suede, isang Physical Education senior sa University of the Philippines, matapos ang una niyang kabiguan kay Jerlyn Mae San Diego at makipag-draw kay Indian Joshi Supriya.
Samantala, nakipag-draw si Far Eastern University high school junior Merill Jacutina kay defending champion International Master Srinath Narayanan ng India matapos ang 51 moves ng isang Sicilian Opening.
Sa kabila nito ay lamang pa rin si Narayanan kay Fide Master Paulo Bersamina, sumuong sa marathon 113-move draw kay Mongolian FM Sumiya Bilguun.
Ang 16-anyos na si Bersamina, ang Tromso Chess Olympian at World Juniors campaigner, ay may 5.0 points sa torneong itinataguyod ni Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, ang world Chess Federation (Fide) secretary general, katuwang si Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia.
- Latest