MANILA, Philippines - Mas naging handa ang mga manlalaro ng Racal Motors Alibaba para pabagsakin ang malakas na Jumbo Plastic Giants, 77-66, sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Binawi ni Jeff Viernes ang kawalan ng puntos sa first half nang tumapos ng 19 marka at siya ang nagpasiklab sa 31-17 palitan sa ikatlong yugto para kunin na ang kalamangan sa laro.
“For this game, the boys responded well,” wika ni Alibaba coach Caloy Garcia.
May 13 puntos, kasama ang dalawang matitinding triples, si Viernes upang ang 27-33 iskor sa halftime ay palakihin sa 58-50 bentahe ng koponan.
Sina Jason Ibay at Jamil Ortuoste ay naghatid pa ng 16 at 10 puntos para sa Alibaba na nagkaroon ng disenteng 45% shooting (28-of-62), kasama ang sampung 3-pointers.
Sa kabilang banda, ang Giants na bumaba sa 4-2 marka, ay nagtala lamang ng 34% (24-of-70), kasama ang 5-of-23 shooting sa 3-point area. May 23 turnovers pa ang koponan na bumaba sa ikaapat na puwesto.
Kinuha ng AMA University Titans ang kanilang ikalawang sunod na panalo at pantay na 3-3 baraha sa 97-89 tagumpay laban sa Bread Story-LPU Pirates.
Sina Joseph Eriobu, Philip Paniamogan at Jay-R Taganas ang mga nagtrabaho nang husto para panatilihin ang kapit sa ikaanim na puwesto sa liga.
May 19 puntos si Eriobu, si Paniamogan ay may 17, kasama ang apat na puntos sa huling isang minuto ng labanan para bigyan ang Titans ng 95-88 kalamangan.
Puwersa pa rin sa ilalim si Taganas sa kanyang 15 puntos at 18 boards upang itulak pababa ang Pirates sa 2-4 marka.