MANILA, Philippines – Hindi nangyari ang inaasahang balikatan na labanan sa pagitan ng dalawang walang talong koponan dahil nagpatuloy ang mataas na paglipad ng nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles sa 25-15, 25-16, 25-17, panalo sa FEU Lady Tamaraws sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Umani ng 50 puntos sa attack points ang Lady Eagles para solohin uli ang liderato sa liga bitbit ang 3-0 baraha.
Ang leading scorer na si Alyssa Valdez ay tumapos taglay ang 16 hits na lahat ay nagmula sa kills at nakatulong pa sa depensa sa kanyang 10 digs.
Si Jorella Marie De Jesus ay may siyam na attack points habang si Isabelle Beatriz De Leon ay naghatid pa ng 10 puntos para sa nanalong koponan.
“Lahat ay nagperform, kahit ang mga nasa bench,” wika ni Valdez.
Nanahimik ang mga beterana ng FEU dahil sina Remy Joy Palma, Bernadeth Pons at Charlemagne Simborio ay hindi umabot sa doble-pigura at nagsanib lamang sa 20 puntos tungo sa 1-1 baraha.
Tinapos din ng National University Lady Bulldogs ang dalawang dikit na pagkatalo gamit ang 21-25, 25-19, 23-25, 25-12, 15-9, tagumpay sa palaban pero kinapos na UP Lady Maroons sa ikalawang women’s game.
Samantala, umalagwa sa 3-0 ang defending champion sa kalalakihan na NU Bulldogs sa 25-16, 25-21, 25-19, panalo sa La Salle Archers habang ang UST Tigers ay umangat sa 2-0 baraha sa 20-25, 25-22, 17-25, 25-20, 15-12, dominasyon sa Ateneo Eagles.