MANILA, Philippines – Ipinagkait ni top seed Patrick John Tierro kay Johnny Arcilla ang hangad nitong masungkit ang pang-siyam na korona, habang matagumpay na naidepensa ni Marian Jade Capadocia ang kanyang titulo sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor courts sa Paco, Manila.
Tinalo ng 29-anyos na si Tierro ang eight-time champion at 34-anyos na si Arcilla, 7-6 (4), 7-6 (4), 2-6, 6-3, para kunin ang titulo sa men’s singles na tumagal ng halos apat na oras.
Ito ang kauna-unahang titulo ni Tierro sa torneo matapos ang apat na beses na pagtatapos bilang runner-up sa torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
“Mahirap talagang kalaban si Johnny. You need extra effort to beat him. I just stayed focused all throughout the game,” sabi ni Tierro.
Ang kanyang panalo ang nagbigay kay Tierro ng premyong P100,000, habang P50,000 ang napunta kay Arcilla.
Muli namang dinomina ng 19-anyos na si Capadocia si fourth seed Maika Tanpoco, 6-1, 6-0, para sa kanyang pang-apat na sunod na pagrereyna sa ladies’ singles.
“Pinag-aralan ko lang muna ang galaw niya para alam ko kung paano ko siya aatakihin,” sabi ni Capadocia kay Tanpoco.
Ibinulsa ni Capacodia ang P50,000 at P25,000 ang nakuha ni Tanpoco.