CLEVELAND – Hindi nakasali si LeBron James sa kanilang shoot around dahil sa sipon at ang kabiguan ng Cavaliers sa Denver Nuggets ay lalo pang nagpabigat sa kanyang pakiramdam.
Tumipa si Ty Lawson ng 24 points at nagdagdag ng 23 si Arron Afflalo para wakasan ng Nuggets ang four-game winning streak ng Cavaliers mula sa 106-97 panalo.
Binanderahan ni James ang Cavaliers sa kanyang 22 points, ngunit naagaw ng Denver ang kalamangan sa third quarter at umangat pa ng 14 puntos sa gitna ng fourth period.
“They were the more desperate team and that's why they walked out with a win,” sabi ni James.
Bago manalo sa Cavaliers ay nagmula muna ang Nuggets sa kabiguan sa pito sa kanilang huling walong laro.
Limang players ng Denver ang umiskor sa double figures para sa kanilang paggitla sa Cleveland.
Sa Memphis, binigo ng Grizzlies ang Houston Rockets matapos kunin ang 119-93 panalo sa labanan ng dalawang koponang may pinakamagandang record sa NBA.
Habang nahirapan ang Rockets sa kanilang depensa, ipinakita naman ng Grizzlies ang kanilang magandang all around performance sa season.
Pinamunuan ni Mike Conley ang Memphis sa kanyang 19 points at 6 assists.
Nagposte ang Grizzlies ng 16-point lead sa first quarter at pinalaki pa ito sa 36-point advantage sa fourth quarter.
Pitong players ang tumapos sa double figures para sa Memphis, nakamit ang kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Naglista si Courtney Lee ng 15 points, habang may 14 si Zach Randolph kasunod ang tig-13 nina Quincy Pondexter, Beno Udrih at Jon Leuer para sa Grizzlies.