MANILA, Philippines – Maaaring mailista ni Donnie ‘Ahas’ Nietes ang kanyang pangalan sa Philippine sports history.
Ito ay matapos niyang pigilin si Mexican challenger Carlos ‘Chapito’ Velarde sa seventh round sa main event ng Pinoy Pride XXVIII noong Sabado ng gabi sa Waterfront Hotel sa Cebu City.
Ang aksidenteng banggaan ng kanilang mga ulo sa round seven ang naging daan para itigil ang laban nina Nietes (34-1-0, 20 KOs) at Velarde (26-4-1, 14 KOs).
Napanatili ni Nietes ang kanyang World Boxing Organization light flyweight crown at pinalawig ang kanyang pagiging kampeon sa loob ng pitong taon, isang buwan at 15 araw.
Maaaring lampasan ng 32-anyos na Ilonggo ang Philippine record ni Gabriel ‘Flash’ Elorde na pitong taon at tatlong buwan sa sandaling muli siyang lumaban.
Naging agresibo si Velarde sa loob ng pitong round kung saan hindi niya nilubayan ng suntok si Nietes.
Ngunit itinigil ang laban pagsapit ng round seven matapos ang banggaan ng ulo nina Nietes at Velarde kung saan naputukan ng kaliwang kilay ang Mexican.
Mismong ang kampo ni Velarde ang nagpahintio sa laban bago ang round eight.
Sa iba pang laban, umiskor sina Albert ‘Prince’ Pagara at Milan ‘El Metodico’ Melindo ng magkatulad na unanimous decision victory kontra sa kanilang mga karibal.
Tinalo ni Pagara (22-0-0, 15 KOs) si Raul Hilares (22-4-1, 11 KOs) para mapanatiling suot ang IBF Intercontinental super bantamweight title.
Binigo naman ni Melindo (32-1-0, 12 KOs) si Saul ‘Baby’ Juarez (20-4-0, 11 KOs).