MANILA, Philippines - Papagitna ang mga bigating manlalaro, tampok si eight-time champion Johnny Arcilla, sa paghataw ng main draw ngayon sa 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihahandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings sa PCA indoor shell clay court sa Paco, Manila.
Makakatagpo ni Arcilla si Miguel Dela Paz sa ganap na alas-11 ng umaga sa torneong may nakalatag na P600,000 premyo kung saan ang P100,000 ay ibibigay sa magkakampeon sa men’s singles at ang P50,000 ay sa sa women’s division.
Sisimulan din nina No. 1 seed Patrick John Tierro, third pick Marc Anthony Reyes at No. 4 Elbert Anasta ang kani-kaniyang kampanya sa event na suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Lalabanan ni Tierro si boys’ 18-under champion Joshua Cano at makakatapat ni Reyes si John Jeric Accion, habang sasagupain ni Anasta si Bryan Otico.
Ang iba pang makikita sa aksyon ay sina No. 5 Rolando Ruel Jr. kontra kay Jhun Anthony Alcoseba, No. 6 Alberto Lim Jr. laban kay Antonio Sagansay, No. 7 Mark Anthony Alcoseba katapat Jason Timbal at No. 8 Roel Capangpangan kalaro si Gabby Gutierrez.
Magsisimula naman ang men’s doubles bukas, habang ang ladies’ singles ay bubuksan sa Martes tampok sina defending champion Marian Jade Capadocia at ang Patrimonio sisters na sina Christine at Clarice.
Ang ladies’ doubles ay lalaruin sa Miyerkules.