MANILA, Philippines - Tulad ng kanilang women’s team, walang naging problema ang Perpetual Help Altas sa pagsungkit sa kanilang unang panalo sa 90th NCAA men’s volleyball sa itinalang 25-19, 25-14, 25-20, panalo sa Jose Rizal Heavy Bombers kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sina Neil Barry Ytorzaita at Rey Taneo ay may 16 at 11 hits habang may 16 excellent sets ang setter na si Warren Catipay upang mangailangan lamang ang Altas ng 58 minuto para dispatsahin ang JRU.
May 10 kills, 3 blocks at 3 aces si Ytorzaita para sa magandang panimula sa puntiryang ikalimang sunod na titulo ng Perpetual sa liga.
Si Peter Enanod ay may siyam na puntos para pamunuan ang Heavy Bombers.
Dumaan naman sa fifth set ang labanan ng Arellano Chiefs at Mapua Cardinals bago naitakas ng una ang 23-25, 27-25, 25-16, 23-25, 15-11, habang nanalo rin ang St. Benilde Blazers sa Letran Knights, 25-13, 25-19, 25-20, sa isa pang laro.
Dominado ng Cardinals ang attacks, 50-49, blocks, 14-9, at serve, 4-2, pero nagtala sila ng nakakalulang 53 errors na sumira sa asam na panalo.
May15 hits si Johnvic De Guzman at tig-12 ang ibinigay nina Marjun Alingasa at Ron Julian Jordan para sa Blazers na iniangkla ang panalo sa galing sa attacks, 42-26 at blocks, 12-2.