Nagbabala si Manny Pacquiao sa mga Kia players niya sa PBA.
Huwag kayong papasok sa away.
Bagamat sa tingin niya ay hindi sa Kia nagsimula ang away ay tila hindi nagustuhan ng ating Pambansang Kamao ang nangyari sa game nila kontra Global- port nung nakaraang Martes.
Nagpambuno sa sahig si Chad Alonzo ng Kia at Anthony Semerad ng Globalport sa katapusan ng first quarter. Nagbigwasan ang dalawang players habang inaawat sila ng mga referees.
Bago matapos ang laro, muntik naman magsalpukan sina Riel Cervantes at Jewel Ponferrada. Mainit ang action at sa dulo nanaig ang Globalport.
Nasa kasagsagan ng training si Pacquiao sa General Santos City para sa nalalapit niyang laban kay Chris Algieri sa Macau.
Pero siguradong napanood ni Pacquiao ang kanilang PBA game sa TV.
“Ang bilin ko sa kanila ay huwag silang mang-away,” sabi ni Pacquiao sa isang panayam ng GMA News.
“Huwag silang uminit,” dagdag pa niya.
Sanay sa bugbugan si Pacquiao. Nakikipag-basagan ng mukha sa loob ng ring.
Pero hindi ibig sabihin nito ay dapat siyang tularan ng kanyang players sa Kia.
Basketball ang laro nila at hindi boxing.
Sa darating na Nov. 23, ang gusto yata ni Pacquiao ay mapanood ng kanyang Kia players ang laban niya kay Algieri sa Venetian Hotel.
Ewan ko lang kung eksakto sa timing ang laban niya para makalipad ang mga players niya papunta sa Macau at makauwi ng mabilis sa Maynila.
Pero gusto nga niya siguro na mapanood siya ng mga players niya.
Huwag nga lang para gayahin.