MANILA, Philippines - Nagmartsa sa semifinals sina top seed Miles Vitaliano at second seed Alexandra Eala sa 12-under girls division ng 33rd Philippine Columbian Association (PCA) Open na inihandog ng Cebuana Lhuillier at Metro Global Holdings kahapon sa PCA indoor shell clay courts sa Paco, Manila.
Ito ay matapos talunin ni Vitaliano si Justine Hannah Maneja, 6-0, 6-0, at igupo ni Eala si Justine Red Ballado sa bisa ng 6-1, 6-0 panalo.
Umabante rin sa semis sina No. 3 Denise Bernardo at No. 4 Lourdes Pe na namayani kina Julia Ignacio, 6-1, 6-0, at Gaby Zoleta, 7-5, 6-1, ayon sa pagkakasunod.
Maglalaban sina Vitaliano at Pe sa semis, habang magtatapat sina Eala at Bernardo sa torneong suportado ng Dunlop, Fujidenzo/Whirlpool, Babolat, Hon. Emmanuel “Manny” Pacquiao, Head, Accel, Malate Bayview Mansion, Coca-Cola Bottlers Phils. Inc., Philippine Prudential Life Insurance Company Inc. at Seno Hardware.
Nagtala naman ng dalawang sunod na panalo sina No. 1 Marcen Angelo Gonzales at No. 6 Joshua Cano para matiyak ang tiket sa semis ng boys’ 18-under event.
Binigo ni Gonzales si John Jennete Arandia, 6-1, 6-0, kasunod ang pagpapatalsik kay No. 8 Kyle Parpan, 6-0, 6-4.
Nanalo naman si Cano kay John Karl Bayot, 6-0, 6-0, bago pinayuko ang kanyang kapatid na si Jose Nicholas, 6-4, 6-3.
Maglalaban sina Gonzales at Cano sa semis ng event na suportado rin ng United Auctioneers Inc. Foton, Philippine Sports Commission at GMA 7.