Black umasa sa beterano
MANILA, Philippines - Dumaloy agad ang malakas na kuryente sa mga starters ng Meralco Bolts sa unang yugto pa lamang para agad na ibaon ang NLEX Road Warriors at itala ang 90-75 panalo sa PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Naghatid ng 15 puntos sa first half si Gary David para itulak ang koponan sa 52-29 halftime lead at mula rito ay hindi na sinipat pa ang baguhang koponan para maisulong ang karta sa 3-1.
Tumapos ang kasapi ng Gilas Pilipinas na si David taglay ang 23 puntos sa 9-of-19 shooting habang sina Jared Dillinger at Mike Cortez ay may 17 at 10 puntos para sa tropa ni coach Norman Black na nakabangon matapos durugin ng Alaska Aces sa huling laro, 105-64.
“We tried to keep everything positive even everything around us was negative,” ani coach Norman Black.
Pinakamalaking kalamangan na hinawakan ng Bolts ay sa 30 puntos, 69-39, mula sa 3-pointer ni Mark Macapagal may 3:37 sa ikatlong yugto.
Mula rito ay nag-relax ang koponan para mapababa ng NLEX sa 10 ang kalamangan, 85-75, sa split ni Asi Taulava sa huling dalawang minuto.
Umiskor ni Anjo Caram sa sumunod na play bago pinosasan uli ng depensa ng Meralco ang mga pumupuntos sa Road Warriors tungo sa paglasap nila ng ikalawang pagkatalo matapos ang apat na laro.
Ang 6’10 Taulava ang nanguna sa NLEX sa kanyang 24 puntos habang sina Mac Cardona at rookie Juneric Baloria ay naghati sa 28 puntos.
Maganda man ang panimula ay hindi pa rin nagkukumpiyansa si Black at sa halip ay hahamunin pa ang mga manlalaro na magpakita pa sa mga susunod na laban na kung saan mga bigating koponan sa liga na ang kanilang makakabangga.
- Latest