Napasubo si Nonito Donaire Jr. sa kanyang laban kontra Nicholas Walters nung isang Linggo sa Carson, California.
Maganda ang puwesto natin sa ringside ng StubHub Center. Malapit sa action. Napakalamig sa open-air na tennis stadium kung saan ginanap ang laban.
Madali namang nag-init ang laban dahil sa kagustuhan ng dalawang boxers na maka-knockout. Sa second round, tumama si Donaire ng malakas na left hook.
Yanig si Walters pero saved by the bell. Sa third round ay nanggigil si Donaire at siya naman ang tinamaan ng right uppercut.
Sa unang beses sa kanyang career, tumba si Donaire.
Nakuha ni Walters ang momentum. Di nagtagal at putok na ang dalawang kilay ni Donaire. At sa sixth round, perfect landing ang kanang suntok ni Walters sa ating pambato.
Sadsad sa gitna ng ring si Donaire. Nagpilit siyang bumangon pero hininto na ng referee ang laban. Wala naman umangal sa desisyon.
“Kung tinuloy ko pa ay baka nagkaroon ako ng brain damage. Hindi ko kaya si Walters,” wika ni Donaire.
Bilib ako kay Donaire dahil isport siya. Walang keme. Tinanggap niya ang pagkatalo at nangakong babalik para lumaban sa mas mababang timbang.
Pinaglabanan nila ang WBA featherweight title sa 126 pounds. Hindi na ito ang tamang timbang para kay Donaire. Kaylangan niyang bumaba ulit sa 122 pounds kung saan dati rin siyang kampeon.
Sa official weigh-in pareho sila tumimbang na 125.6 pounds.Pero nang sumampa sila sa ring kinabukasan, lumobo na si Walters sa 138 pounds. Nasa 133 lang si Donaire.
Hindi sukat si Donaire sa featherweight division kaya mabuti pa ay bumalik siya sa bantamweight.
Yun nga ang plano.
“I shall return,” sabi nga ni Douglas McArthur.