Do-or-Die sa Red Cubs, Red Robins
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena,
Pasay City)
2:30 p.m. San Beda
vs Mapua (Game 3 Jrs)
MANILA, Philippines - Matapos ang kanilang seniors team, ang San Beda Red Cubs naman ang magtatangka na gumawa ng kasaysayan sa 90th NCAA juniors basketball na matatapos ngayong hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa alas-2:30 ng hapon itinakda ang do-or-die game sa hanay ng Red Cubs at Mapua Red Robins at ang magwawagi ang kikilalaning kampeon ng liga.
Nauwi sa isa’t-isa ang best-of-three series nang nanaig ang Red Cubs sa Red Robins, 78-68, noong nakaraang Miyerkules sa nasabing venue.
Dahil puno ng pressure ang ganitong klaseng labanan kaya’t napapabor sa Red Cubs ang tagisan bilang isang five-time defending champions.
Pero ang pagkagutom ng Red Robins na makatikim uli ng titulo sa liga ang magtutulak sa bawat manlalaro na kayanin ang matinding hamon.
Huling nagkampeon ang Mapua sa juniors ay noon pang 2000.
Dagdag interest sa laban ay ang katotohanan na ang San Beda at Mapua ay parehong nakapagtala na ng 5-peat sa liga at balak ng Red Robins na pigilan ang makasaysayang pagtatapos ng Cubs.
Ang San Beda ay nagdiriwang pa sa matagumpay na kampanya sa seniors divison nang ang Red Lions ay nakalimang sunod na kampeonato matapos ang 2-0 sweep sa Arellano Chiefs. (AT)
- Latest