Laro Ngayon
(Sto. Domingo, Ilocos Sur)
4 pm Mane ‘N Tail
vs Petron
6 pm Generika
vs RC Cola-Air Force
MANILA, Philippines - Sisipatin ngayon ng Petron Lady Blaze Boosters ang ikalawang sunod na panalo sa pagsukat sa expansion team Mane ‘N Tail sa 2014 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na handog ng Asics sa Sto. Domingo Coliseum, Ilocos Sur.
Ibinabandera nina imports Erica Adachi at Alaina Bergsman bukod pa sa mahusay na si Dindin Santiago, ang Petron na paboritong manaig sa Lady Stallions sa larong magsisimula sa alas-4 ng hapon.
Galing ang koponan sa 26-24, 25-18, 23-25, 25-23, panalo sa Generika at ang makukuhang panalo ay magtutulak sa Petron na makasosyo ang Cignal HD Spikers sa liderato sa ligang inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
“Hindi puwedeng magkumpiyansa. Hindi pa namin alam ang laro ng Mane ‘N Tail kaya dapat maging handa,” wika ni Petron coach George Pascua.
Natalo ang Lady Stallions sa Cignal sa unang laro kaya’t asahan ang koponan ni Francis Vicente na ibabandera nina Kaylee Manns at Kristy Jaeckel na pupukpok para makuha ang unang panalo.
Pagtatangkaan din ng RC Cola-Air Force Raiders ang ikalawang sunod na panalo matapos ang tatlong laro laban sa Generika sa ikalawang sultada dakong alas-6 ng gabi.
Mula sa straight sets panalo ang Raiders sa Foton at sina Bonita Wise, Emily Brown, Iari Yongco, Maika Ortiz at Rhea Dimaculangan ang magdadala sa laban kontra kina Natalia Kurobkova, Miyuu Shinohara, Cha Cruz, Stephanie Mercado at Michelle Gumabao.
Kahapon ay nagsagawa ng clinics ang mga manlalaro para mapalawig ang volleyball sa Ilocos Sur.