Rosario sabik nang makalaro si Iverson
MANILA, Philippines – Isang malaking karangalan para kay Jeth Troy Rosario ng UAAP champions na NU Bulldogs ang makasama si NBA great Allen Iverson sa hardcourt.
“Sobrang excited kasi minsan lang ito mangyari. Once in a lifetime lang ito na makasama mo yung napapanood mo lang dati,” sabi kahapon ni Rosario sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate kasama si PCWorx managing director Michael Angelo Chua.
Makakasama ni Rosario ang 6-foot superstar guard ng Philadelphia 76ers, sa PCWorx’s ‘All In’ charity basketball event na nakatakda sa Nobyembre. 5 sa Mall of Asia Arena.
Si Rosario ay bahagi ng Team PCWorx ni coach Tim Cone na lalaban sa Team Gawad Kalinga na hahawakan ni Iverson sa isang one-game charity event.
Bukod kay Rosario, ang iba pang nasa Team PCWorx ay si UAAP MVP Kiefer Ravena at kapatid na si Thirdy Ravena, sina college stars Almond Vosotros, Mark Belo, Javee Mocon, Ola Adeogun, Jaymar Perez at dating PBA aces na sina Jerry Codiñera, Marlou Aquino at Willie Miller.
Ang koponan ni Iverson ay binubuo ng mga Ball Up Streetball All-Stars.
Inamin ni Rosario, naging susi sa unang UAAP title ng Bulldogs matapos ang 60 taon kontra sa Far Eastern University Tamaraws sa kanilang sudden-death match, na hindi siya tagahanga ng 39-anyos na si Iverson na hinirang na NBA MVP noong 2001.
Ngunit nasasabik ang NU stalwart na makasama ang dating Georgetown star sa event na para sa Gawad Kalinga.
- Latest