Laban sa kanilang mga karibal sa ‘Clash Of Little Titans’ Loreto, Dapudong at Cuello umiskor ng KO win
MANILA, Philippines – Tinalo nina Rey Loreto, Edrin Dapudong at Denver Cuello ang kani-kanilang mga karibal noong Sabado ng gabi sa Almendras Gym sa Davao City.
Tiniyak ng tatlong Filipino boxers na ang “Clash of Little Titans” na itinanghal ng Sonshine Sports Management ay magiging puno ng aksyon ang nasabing boxing card.
Sa harap ng kanyang mga kababayan, pinabagsak ni Loreto si Indonesian Heri Amol sa seventh round upang mapanatiling suot ang kanyang International Boxing Organization junior flyweight crown.
Marami ang nag-abang sa pagbabalik ni Loreto sa naturang gymnasium kung saan lumaban siya noon ng mga four-round bouts.
Ang 23-gulang na si Loreto ay magtutungo sa South Africa sa Disyembre para sa kanilang rematch ni Nkosinathi Joyi na kanyang inagawan ng korona noong Pebrero.
Sinabi ni Sonshine Sports Management point man Manny Piñol na determinado si Loreto na patunayang hindi lang tsamba ang kanyang impresibong panalo sa South African fighter.
Ayon kay Pastor Apollo Quiboloy, ang utak ng Sonshine Sports, nais nilang suportahan ang boxing, golf, volleyball, motocross at drag racing.
Nagpapatayo si Quiboloy ng malaking worship venue sa Davao City, ang 75,000-seat King Dome, na inaasahan niyang magiging lugar ng malalaking sports events kagaya ng PBA games at posibleng ang isang laban ni Manny Pacquiao sa 2016.
Dumating si Davao City Mayor Rodrigo Duterte para sumuporta sa naturang paboksing.
Pinatumba naman ni Dapudong, ang IBO super flyweight champion, si Wisanlek Sithsaithong ng Thailand sa fifth round.
Pinabagsak din ni Cuello, nagbabalik sa aksyon matapos magpahinga ng isang taon, si Jaipetch Chaiyongym ng Thailand sa seventh round.
- Latest