Ateneo inangkin ang korona ng UAAP men’s at women’s swimming
MANILA, Philippines – Pinitas ng Ateneo De Manila University ang kanilang unang UAAP swimming championship double makaraang magbida sa Season 77 men’s at women’s divisions competitions sa Rizal Memorial Swimming Pool noong Linggo.
Sa pangunguna ni 2014 Incheon Asian Games veteran Jessie Khing Lacuna, humakot ang Blue Eagles ng 540 points para agawan ng korona ang University of the Philippines na nagtala ng 325 points.
Naglista ng mga bagong record sa pinaghariang 200m individual medley (2:05.59), 400m freestyle (4:04.86), 100m butterfly (56.01), 200m freestyle (1:53.02), 50m butterfly (25.47), 400m individual medley (4:37.10) at 200m butterfly (2:03.93) para sa maximum na 105 points, hinirang si Lacuna bilang men’s Most Valuable Player.
Ito ang ikalawang men’s championship ng Ateneo sa nakaraang tatlong taon.
Bukod kay Lacuna nagbida rin para sa Blue Eagles si Aldo Batungbacal na kinilalang Rookie of the Year matapos burahin ang 13-year old record ni Timmy Chua sa 200m breaststroke para sa kanyang bagong league mark na 2:24.23 para kumolekta ng 90 points.
Nagreyna ang Lady Eagles, nakamit ang una nilang korona noong 2008, sa naiposteng 468 points para agawan ng korona ang UP Lady Maroons (430).
Kinilala naman si rookie transferee Hannah Dato bilang MVP sa hinakot na pitong gold medals at binura ang mga UAAP mark sa 200m individual medley (2:21.66), 400m freestyle (4:30.76), 100m butterfly (1:02.22), 200m freestyle (2:07.87), 50m butterfly (28.20), 400m individual medley (5:05.08) at 200m butterfly (2:19.71).
- Latest