Suarez naisuko ang gold medal sa Mongolian fighter
INCHEON, KOREA -- Sinamang-palad ang nalalabing pag-asa ng Pilipinas na makadagdag ng isa pang gintong medalya matapos mabigo si Charly Suarez sa finals sa pagtatapos ng boxing competition sa 17th Asian Games sa Seonghak Gymnasium kahapon dito.
Hindi nasustinahan ng 26-anyos na si Suarez, ang Myanmar SEA Games gold medalist, ang magandang simula sa first round para lasapin ang 2-1 kabiguan sa mga kamay ng Mongolian na si Otogondalain Dornyambuu sa 60kg men’s lightweight category.
“Talo ako. Ginawa ko ang lahat ngunit hindi sapat ‘yung effort ko. Masaya na ako sa silver. Mas lalo sanang masaya kung gold ang nakuha ko,” pahayag ni Suarez, tinalo ang Mongolian boxer nang magharap sila sa World President Cup Boxing sa Kazakhstan.
Sa kabila ng pagkakaroon ng gasgas sa ibaba ng kanang mata, nagawa ng boksingerong tubong Davao na dominahin ang first round, pero bahagyang nagbago ang timpla ng galaw at suntok ni Suarez nang hindi makasabay sa rapidong atake ng Mongolian na angat sa taas at haba ng kamay.
“Mabuti nakuha ko (gasgas sa ibaba ng kanang mata) ito sa finals at hindi sa umpisa ng laro. Sinabayan ko siya at lumaban ako nang pukpukan. Iyon nga lang hindi ako pinalad,” wika pa ni Suarez.
Si Suarez ay tatanggap ng P500,000 para sa kanyang silver medal, habang ang tatlo pang boxers na sina London Olympian Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez ay tatanggap ng P100,000 para sa bronze medals.
- Latest