Huling apat na araw na lang ng 17th Asian Games sa Incheon, South Korea.
Kung baga sa karera ay into the homestretch na at siksikan na sa balya.
At kung hindi pa nanalo ng gintong medalya ang Pilipinas kahapon sa taekwondo ay nangahulugan na wala pa rin tayong ginto sa ating mga bulsa.
Ang China ay may mahigit isang daang gold medals na ang nakamit. Malayo itong sinusundan ng South Korea (42) at Japan (34) at second place na lang ang labanan.
Kung ihahambing naman ang Pilipinas sa ating mga kapitbahay sa Southeast Asia, malayu-layo tayo sa likod ng Thailand na may apat na ginto, Malaysia (3), Indonesia (2), Myanmar (2) at Singapore (1).
Dalawang silver pa lang at dalawang bronze ang napapanalunan natin sa Incheon Asiad at may pag-asa pa sa boxing, BMX at sa taekwondo nga.
Buhay pa rin ang pambato natin sa karate.
Huwag naman sana tayo ma-zero o mangitlog sa Incheon.
Isa-isa na kasing nalalagas ang mga inaasahang magpo-produce ng ginto para sa Pilipinas, kabilang na rito ang mga atleta natin sa wushu, bowling at ang pinakasikat na Gilas Pilipinas.
Magdasal na lang tayo na sa darating na mga araw ay makakatikim naman tayo ng panalo.
Naalala ko nu’ng 1994 Asian Games sa Hiroshima, Japan nang manalo ang Pilipinas ng tatlong gintong medalya sa boxing.
Umuwing bida sila Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Reynaldo Galido at Elias Recaido.
Sana maulit muli ang tadhana.
Dalawang boksingero na natin ang nasa semis. Ito ay sina Charly Suarez at si Mario Fernandez.
Susubok pang makapasok sina Anthony Barriga at Wilfredo Lopez.
Makapasok lang sila lahat ay naniniwala akong may lulusot sila para manalo ng ginto.
The more the merrier.
Please lang, manalo naman kayo!