Mailap ang ginto para sa mga Pinoy
INCHEON, Korea -- Malugod na tinanggap ng Team Philippines ang paniniyak ng medalya ng boksingerong si Charly Suarez upang kahit paano ay maibsan ang sakit dulot ng pagtiyak na maililista ang pinakamasamang pagtatapos ng men’s basketball sa kasaysayan ng paglahok sa Asian Games.
Pinulbos sa suntok ni Suarez si Ammar Jabbar Hasan ng Iraq sa kabuuan ng tatlong rounds na bakbakan tungo sa unanimous victory sa quarterfinals sa lightweight division sa Seonhak gymnasium.
Si Suarez ang unang nakapasok sa semifinals sa mga panlaban ng ABAP at magtatangka siyang umabante sa finals sa pagsukat kay Obada Mohammad Mustafa Alkasbeh ng Jordan sa Huwebes.
Kinumpleto ni Wilfredo Lopez ang dominasyon ng Pilipinas laban sa mga Iraqi boxers nang kunin 3-0 panalo kay Waheed Abdulridha sa round-of-16 match sa middleweight division.
Ang pagpapasikat sa boxing ring ay hindi natapatan sa basketball court sa Hwaseong Sports Complex nang lasapin ng Gilas Pilipinas ang 71-78 pagkatalo sa batang koponan ng China sa consolation round.
Kasalukuyan pa ring may dalawang silver at isang bronze medal ang bansa mula sa wushu at isang bronze sa archery.
Sa kabila naman ng kanilang iniskor na tatlong runs sa fifth inning ay nabigo pa ring maitakas ng Blu Girls ang panalo nang tumukod sa Chinese-Taipei, 5-4 sa women’s softball competitions.
“We are on course toward what we have planned for the Asian Games,” sabi ni Blu Girls assistant coach Ana Santiago.
Ito ang ikatlong kamalasan ng Blu Girls sa apat na laro, ngunit may pag-asa pa ring makapasok sa page playoffs at maibulsa ang bronze medal.
Bigo rin ang bansa sa men’s singles sa soft tennis matapos matalo si Jhomar Arcila kay Yusheng Zhang ng China, 4-1, habang nadiskaril naman si Noelle Conchita Zoleta kontra kay Phonesamal Champamanivong ng Laos, 4-0 sa pagsisimula ng nasabing kompetisyon.
Samantala, dumating na kahapon si Fil-American Daniel Caluag, sumabak sa 2012 Olympic Games, kasama ang kapatid na si Christopher para lumahok sa BMX compeititon.
- Latest