Douthit kukuwestiyunin sa Asiad?
INCHEON, Korea -- Kung itutuloy ng mga karibal ng Gilas Pilipinas ang pagkuwestiyon kay Marcus Douthit ay may posibilidad na hindi rin makalaro ang naturalized center sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Inaasahang aalmahan ng China, Japan, Iran at host Korea ang pagpayag ng Olympic Council of Asia (OCA) at ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) sa pagtanggap kay Douthit bilang kapalit ni naturalized player Andray Blatche.
Nauna nang kinuwestiyon ng IAGOC ang kuwalipikasyon ng 6-foot-11 na si Blatche para sa Incheon Asiad.
Pinanindigan ng IAGOC at ng OCA ang pagpapatupad sa kanilang three-year residency rule para sa mga naturalized athlete.
Nakuha ni Blatche ang atensyon ng mga karibal ng Pilipinas sa Incheon Asiad matapos ang kanyang impresibong paglalaro sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Nakatakdang isagawa ang Technical Meeting sa basketball sa Biyernes kung saan inaasahang tatanggapin si Douthit bilang replacement ngunit para lamang sa isang player dahil posibleng hilingin ng ibang bansa na bawiin ang puwesto ni Blatche.
Mangangahulugan na magkakaroon lamang si Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes ng 11 players.
“Yes, it is a possibility but I hope it won’t happen,” sabi ni Philippine Sports Commission chairman at Chef De Mission Ricardo Garcia sa pagkuwestiyon kay Douthit.
- Latest