MVP, 2 pa iniupo sa FIBA Central Board

SBP president Manny V. Pangil­­i­nan  

MANILA, Philippines - Tatlong Filipino basketball officials ang makakasama sa hanay ng mga opisyales ng international basketball body FIBA sa susunod na apat na taon.

Nanguna sa napabi­lang ay si businessman/sportsman Manny V. Pa­ngilinan na na-elect para makasama sa makapangyarihang FIBA Central Board.

Nagpulong ang FIBA sa Madrid, Spain kamakalawa sa ilalim ng bagong pangulo na si Horacio Muratore at secretary general Patrick Baumann.

Si Muratore ay naupo bilang pangulo sa isinaga­wang FIBA World Congress at Election noong Agosto 28 sa Spain.

Dumalo rin si Pangili­nan sa Congress at dito nagkita-kita sila nina Muratore at Baumann na nagpaabot ng imbitasyon para siya ay dumalo sa nasabing pagpupulong.

Matatandaan na ang Pilipinas ay nakapaglaro sa FIBA World Cup at na­nguna sa pagsuporta sa koponan si Pangilinan.

Makakasama ni Pa­ngilinan na mauupo bilang opis­yales sina Dr. Raul  Canlas at Atty Aga Francisco na napabilang sa FIBA Medical Legal Commissions.

Si Canlas ay dati ng na­kaupo sa Medical Commission habang unang pagkakataon ito ni Francisco na mapalinya sa FIBA legal team.

“Finished FIBA Central Board. Took over 3 hours. Got elected. Doc Canlas to Medical Commission. Atty. Aga Francisco to Legal Commission,” tweet ni Pangilinan. “Excellent meeting, full agenda. Credit goes to Messrs. Baumann & Muratore. FIBA Board a United Nations of Basketball,”  dagdag ni MVP.

Ang pagkapasok ni Pangilinan na tumutulong din sa ibang sports tulad ng boxing, taekwondo, cycling at football, ay magpapa­la­kas sa hangarin  ng bansa na mabalik ang estado bilang isa sa pinakamahusay sa mundo ng basketball.

Isa sa isinususog ni Pa­ngilinan ay ang mapunta sa bansa ang hosting ng 2019 World Cup matapos ang matagumpay na pagtayo bilang punong-abala sa 2013 FIBA Asia Men’s Championship.

Ang mga nakaupong FIBA officials ay maninilbihan mula 2014 hanggang 2019.

 

Show comments