Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
1 p.m. UAAP Cheerdance Competiton
MANILA, Philippines - Bumangon mula sa 19 puntos pagkalubog sa huling yugto ang Ateneo tungo sa 68-64 overtime panalo sa FEU at angkinin ang unang puwesto at twice-to-beat advantage sa 77th UAAP men’s basketball kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
May 12 puntos sa ikaapat na yugto si Kiefer Ravena para tulungan ang Eagles na gumawa ng 33 puntos at maihirit ang 59-all iskor sa regulation.
Hindi na nagpaawat pa ang tropa ni coach Bo Perasol na binuksan ang overtime sa 7-2 palitan bago sinandalan ang depensa at hindi na pabangunin pa ang Tamaraws.
Tumapos si Ravena taglay ang 23 puntos, si Chris Newsome ay may 13 habang si Alfonso Gotladera ay may siyam na puntos at walo rito ay kanyang kinamada sa huling yugto at overtime.
Ito ang ika-11 panalo sa 14 na laro ng Eagles para kunin ang unang puwesto at ang mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four laban sa pang-apat na koponan sa pagtatapos ng eliminasyon.
Bumaba ang Tamaraws sa 10-4 baraha at sinayang ng koponan ang pagkakataon na manalo sa regulation nang naisablay ni Michael Tolomia ang dalawang free throws sa huling 2.8 segundo.
Itinodo ng nagdedepensang kampeon La Salle Green Archers ang kanilang lakas sa second half para pataubin ang National University Bulldogs, 68-56, at makatabla ang FEU sa ikalawang puwesto sa 10-4 baraha sa huling laro.
Ang dalawang koponang ito ang siya ring maglalaban sa Final Four na magiging best-of-three series dahil paglalabanan ng FEU at La Salle kung sino ang magkakaroon ng twice-to-beat advantage.
sAng Bulldogs ay tumapos sa 9-5 baraha at hihintayin nila ang resulta ng laro ng UE at UST para malaman kung dadaan pa ba sila o hindi sa playoff para makaabante sa semis.
AdMU 68 – Ravena 23, Newsome 13, Gotladera 9, Pessumal 7, Capacio 6, Babilonia 5, Elorde 3, V. Tolentino 2, A. Tolentino 0, Doliguez 0.
FEU 64 – Belo 16, Pogoy 15, Tolomia 10, Cruz 8, Hargrove 8, Inigo 3, Jose 2, Denison 2, Tamsi 0, Lee Yu 0.
Quarterscores: 7-12, 18-25, 26-45, 59-59, 68-64.
DLSU 68 – Vosotros 15, Van Opstal 14, Torres 13, Teng 9, Perkins 8, Montalbo 5, Sargent 4, Bolick 0, Mustre 0, Rivero 0, Tratter 0.
NU 56 – Alolino 18, Rosario 14, Aroga 8, Javelona 8, Betayene 4, Khobuntin 4, Celda 0, Diputado 0, Perez 0.
Quartercores: 20-17, 31-31, 49-43, 68-56.