Ginebra ginulat ng Sakers

MANILA, Philippines - Ginamit ang kanilang pa­matay na three-point shooting, pinabagsak ng bisitang Changwon LG Sakers ang Barangay Ginebra, 81-76, sa kanilang exhibition match na tinaguriang ‘Asian Basketball Showdown’ noong Martes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ganap na dinomina ni 6-foot-7 import Christopher Massie si seven-foot center Greg Slaughter ng Gin Kings matapos humakot ng 24 points, 14 rebounds at 3 assists para sa panalo ng Sakers.

Ang naturang mga assists ni Massie sa huling isang minuto ang nagbigay sa Korean ballclub ng 79-71 kalamangan sa natitirang 38. 2 segundo.

Sa 37-anyos na si Mas­sie, hinirang na Most Valua­ble Player ng laro, nagmula ang pasa para sa dalawang sunod na three-pointer ni Korean gunner Kim Yong Hwan.

Nagdagdag si Ki Seung Ho ng 21 markers, kasama rito ang tatlong tres, kasunod ang 13 ni guard Kim Si Rae para sa Sakers

Tumapos naman si Slaughter na may 23 points at 12 rebounds sa panig ng Gin Kings ni head coach Jeffrey Cariaso na ginamit ang bagong hugot na si Joseph Yeo.

Nauna nang natalo ang Ginebra sa Kia Motors sa kanilang tune-up game.

Samantala, kumpara sa ibang rookies na naghahangad ng three-year contract, mas pinili ni Fil-Italian guard Chris Banchero na pu­mirma ng one-year deal sa Alaska.

Sinabi ni Banchero na personal niyang desisyon ang paglagda ng one-year contract sa Aces ni American head coach Alex Compton.

Ang six-footer na pro­dukto ng Seattle Pacific University  ang No. 5 overall pick ng Alaska sa nakaraang 2014 PBA Rookie Draft.

Sa ilalim ng standard salary para sa mga rookies, si Banchero ay tatanggap ng monthly maximum pay na P150,000 para sa kanyang isang season sa Aces.

Si Banchero ay makakatuwang nina JVee Casio at RJ Jazul sa backcourt ng Alaska bukod pa kina Raffy Reyes at Ping Eximiniano.

Maliban kay Banchero, hinugot din ng Aces sa PBA Draft sina Rome Dela Rosa ng San Beda Red Lions at Jun-Jun Alas ng Letran Knights.

Show comments