Paghahabol sa semis palalakasin ng Altas
MANILA, Philippines – Tinambakan ng Perpetual Help Altas ang Mapua Cardinals ng 34 puntos sa unang pagkikita na nangyari sa unang laro sa 90th NCAA men’s basketball.
Pero hindi masasabing madaling laro ang haharapin ng Altas sa Cardinals sa natatanging seniors game sa ganap na alas-4 ng hapon ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Una, galing ang Altas sa pagkatalo sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa overtime, 76-80, sa huling laro at ikalawa, mataas ang morale ng talsik ng Cardinals matapos pabagsakin ang San Sebastian Stags (75-73) at Lyceum Pirates (85-76), sa huling dalawang asignatura.
“Sa ipinakita nila sa huling dalawang laro, tiyak na mahihirapan kami,” wika ni Altas coach Aric del Rosario.
Sinasandalan ng beteranong coach ang kahalagahan ng makukuhang panalo para tumatag pa ang paghahabol ng puwesto sa Final Four.
May 8-5 baraha ang Altas para malagay sa ikalimang puwesto, kapos ng isang panalo para saluhan ang St. Benilde Blazers (9-5) na nasa ikaapat na puwesto.
Sina Juneric Baloria, Earl Scottie Thompson at Harold Arboleda ang muling sasandalan ng koponan. Pero mas mapapadali ang asam na panalo kung gagana pa ang kanilang bench para maisantabi ang inaasahang inspiradong laro ng Cardinals.
Sa 3-10 baraha, ang Cardinals ay talsik na sa kompetisyon pero hindi hadlang ito para maisakatuparan ang balak na magandang pagtatapos sa liga.
Si Joseph Eriobu ang magdadala sa koponan pero dapat ding paghandaan ang birada nina CJ Isit at Leo Gabo na nagpakita sa mga panalong naitala.
- Latest