Norwood agaw eksena, Gilas pinahirapan muna ang Argentina bago bumigay

Dinakdakan ni Gabe Norwood si Argentina’s NBA star Luis Scola sa kanilang laban sa FIBA World Cup nitong Lunes. (Larawan mula sa Fiba.com)

SEVILLE, Spain - Ba­gama’t malinaw na dehado ay lumaban pa rin ng dikdikan ang Gilas Pilipinas hanggang sa huling mga segundo bago yumuko sa world No. 3 Argentina, 81-85, sa Day Three ng 2014 FIBA World Cup sa Centro Deportivo San Pablo dito.

Ikinunsiderang gatecrasher sa torneo, muntik nang masilat ng Nationals ang Argentina pati na ang mga NBA players nito.

Isa na naman itong laro na muntik nang maipanalo ng Gilas Pilipinas katulad ng nangyari laban sa Croatia noong Sabado.

“Yun ang nakakabwisit sana tambakan na lang tayo. Pero the fact na dumi­dikit at lumalaban tayo, it shows that we can compete with these teams,” sabi ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes.

“Sayang, konti lang. Mistakes here and there, lapses here and there. Missed rebounds here and there. Napakaliit ng diperensya,” dagdag pa nito.

Dinepensahan ng one-time world championship winner at one-time Olympic champion na Argentina si Jayson Castro sa tangka nito sa three-point line.

Ang supalpal kay Castro ay nagresulta sa kanyang traveling violation sa huling 12.7 segundo sa final canto.

Ang dalawang charities ni Andres Nocioni sa natitirang 6.0 segundo ang sumelyo sa panalo ng Argentina na naunang nagposte ng 15-point lead sa third quarter.

Si Jimmy Alapag ang naglapit sa Nationals sa fourth quarter matapos magsalpak ng limang tres para sa kanilang 81-82 agwat sa huling 2:03 minuto.

Dahil sa kanilang 0-3 record ay kailangang manalo ang Gilas Pilipinas kontra sa Puerto Rico at Sene­gal para magkaroon ng tsansang makapasok sa 16-team knockout stage.

Argentina 85 – Scola 19, Mata 17, Laprovittola 10, Herrmann 10, Nocioni 9, Campazzo 9, Prigioni 8, Gutierrez 3.

Philippines 81 – De Ocampo 18, Alapag 15, Blatche 14, Castro 11, Fajar­do 6, Lee 6, Norwood 6, Tenorio 3, Aguilar 2, Chan 0, Pingris 0.

Quarterscores: 22, 25, 43-38, 71-61, 85-81.

Show comments