Salak magreretiro na, Gonzaga ipapalit sa puwesto
MANILA, Philippines - Nakilala siya sa husay sa pag-spike at sa pagdepensa.
Pero hindi magtatagal ay maaring makilala na rin si Jovelyn Gonzaga bilang isa sa mga mahuhusay na setters sa Shakey’s V-League.
Si Gonzaga ay sinasanay na ni Tina Salak ngayon para siyang pumalit sa kanyang puwesto bilang pangunahing setter ng Army Lady Troopers.
“Nakikita ko ang sarili ko sa kanya (Gonzaga),” wika ni Salak na tinulungan ang Army na magkampeon sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kontra sa dating kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns.
Inihahanda si Gonzaga, ang Finals MVP, para sa posisyon dahil ang 38-anyos na si Salak ay nagbabalak na magretiro na.
Matiyaga naman si Gonzaga na sinusunod ang mga itinuturo sa kanya ng beteranang setter.
“Marami akong natutunan na sa kanya pero marami pa talaga akong dapat na malaman,” pag-aamin ni Gonzaga. Mahalaga si Salak sa Army dahil noong hindi siya nakasama ng Lady Troopers sa naunang dalawang laro sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s ay natalo ang koponan.
Ngunit noong bumalik siya ay umarangkada ang laro ng Army at madaling nakakuha ng mga puntos sina Gonzaga, Rachel Ann Daquis, Mary Jean Balse at Nerissa Bautista dahil sa galing sa setting ni Salak.
“Matangkad si Jovelyn at matalino rin at puwede siya maging setter,” wika pa ni coach Rico de Guzman na nakuha ang ikalawang Open title ngunit ang una ay nangyari noon pang 2011.
Sa pagbabalik-tanaw sa naging kampanya, naramdaman na ni De Guzman na kaya nilang magkampeon ngayon dahil nakita at nakalaro na ang mga katunggali.
Pinagningning ang pangalawang titulo sa liga ng paghablot ni Daquis ng Conference MVP habang si Gonzaga ang itinanghal bilang Finals MVP.
Nagpasalamat naman si Vic Gregorio, EVP at Chief Operating Officer ng Shakey’s, sa mga tumatangkilik sa liga at inihayag ang ginagawa ng pamunuan na matiyak na mas magiging kapa-napanabik ang ikatlong conference na balak simulan sa buwang ito. (AT)
- Latest