Cagayan tiwalang makakabangon
Laro Bukas
(The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. Air Force
vs PLDT Home Telpad
2:45 p.m. Army
vs Cagayan
MANILA, Philippines - Hindi na bago para sa Cagayan Valley Lady Rising Suns ang malagay ang isang paa sa hukay kung ang pagdepensa sa hawak na titulo sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ang pag-uusapan.
Kaya kahit natalo sila sa panimulang laro sa best-of-three Finals series sa Army Lady Troopers noong Huwebes ay mataas pa rin ang kumpiyansa ni Lady Rising Suns coach Nestor Pamilar na makakabawi sila sa Game Two bukas.
“Tight ang mga players kaya naging masama ang reception. Sa fourth set tuluyan na silang bumigay,” wika ni Pamilar sa tinamong 25-19, 18-25, 25-18, 25-5 pagkatalo.
Ang limang puntos na ginawa sa fourth set ang pinakamababang iskor sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Pero hindi na iniisip ng Cagayan ang nangyari at nakatuon na sila sa ikalawang tagisan.
Ang dalawang araw na break ay makakatulong para maibalik ng Cagayan ang focus sa serye.
“Kailangan lamang namin na maging consistent. Yung laro namin sa second set, yun ang tunay naming laro at naipakita nila na kaya nilang sumabay sa Army. Kailangan lamang na ganitong laro ang maipakita namin sa susunod na pagkikita,” banggit pa ni Pamilar.
Kung magtabla ang dalawang koponan, ang deciding Game Three ay paglalabanan sa Sept. 7.
Sina Aiza Maizo at Rosemarie Vargas ay mayroong 12 5 at 10 puntos ngunit ang mga ibang inaasahan ay tila namalahibo.
Ang mga beteranang sina Pau Soriano, Wenneth Eulalio at Ma. Angeli Tabaquero ay naghatid lamang ng 7, 7 at 5 puntos.
Bukod sa opensa ay dapat ding tumibay ang kanilang depensa matapos pahintulutang magsanib sa 54 puntos sina Jovelyn Gonzaga, Mary Jean Balse, Rachel Ann Daquis at Nerissa Bautista. (AT)
- Latest