MANILA, Philippines - May nakikitang diskriminasyon si Philippine Olympic Committee president Peping Cojuangco hinggil sa biglaang pagkuwestiyon ng Incheon Asian Games Organizing Committee sa eligibility nina Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche at Fil-Ams Gabe Norwood at Jared Dillinger.
Sinabi ni Cojuangco na may isang miyembro ng IAGOC na mainit sa Team Phl at kumikilos para ideklara sina Blatche, Norwood at Dillinger na ineligible para sa Sept. 19-Oct 4 Asiad.
“Discrimination yan,” sabi ni Cojuangco kahapon sa POC-PSC radio program sa DZSR.
Hindi ngayon tiyak kung makakapaglaro sina Blatche, Norwood at Dillinger matapos hingan ng IAGOC ang tatlo ng “proof of their residency” base sa Olympic Council of Asia’s eligibility rules na ang kailangan ay isang three-year residency.
Nakuha ni Blatche ang kanyang naturalization ngayong taon ngunit iginiit ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ang residency requirement ay hindi maaaring ipataw sa kanya dahil ang Pilipinas ang unang bansang lalaruan niya.
Kinukuwestiyon naman sina Norwood at Dillinger dahil sa kanilang passports na wala pang tatlong taon.
Sinabi ng SBP na ang dalawa ay naninirahan sa bansa ng higit sa tatlong taon at ang kanilang mga passports na expired na noong 2012 at 2009.