Maglinao, Raterta wagi sa Naga leg

NAGA CITY, Philippines - Bumandera sina Mario Maglinao at Luisa Raterta sa 21K events ng 38th National MILO Marathon Eliminations sa Naga City para angkinin ang premyong P10,000 at tiket para sa 2014 National Finals.

Kabuuang 68 runners ang tatakbo sa National Finals at makakasama sina Maglinao at Raterta sa Disyembre 7.

Naglista ang 26-anyos na si Maglinao ng oras na 01:12:47 para ungusan sina Martin Balaybo (01:13:33) at Eugin Postrado (01:16:43). Ang tubong Legazpi City, Albay at kasalukuyang nagtatrabaho sa Manila ay walang formal training.

May tiyempo namang 01:32:10 ang 33-anyos na si Raterta para angkinin ang titulo sa women’s division.

Tinalo niya sina Janette Agura (01:37:41) at Marilyn Bermundo (01:40:59).

Show comments