MANILA, Philippines - Hindi na nagpatumpik-tumpik ang Globalport at hinirang si Fil-American guard Stanley Pringle bilang No. 1 overall pick, habang natuloy si Filipino boxing icon Manny Pacquiao bilang playing coach ng Kia Motors sa 2014 PBA Rookie Draft kahapon sa Robinson’s Place sa Ermita, Manila.
Bago pa man ang Rookie Draft ay inihayag na ni team owner Mikee Romero na kukunin nila ang 27-anyos na si Pringle bilang top pick.
Ngunit kung mayroon mang nakakagulat na nangyari ay ang pagbibigay ng San Miguel Beer kina Chico Lanete, Jojo Duncil, 2014 second round pick at 2016 first round pick sa Barako Bull kapalit ng No. 3 pick.
Si dating San Sebastian scorer Ronald Pascual ang hinugot ng Beermen bilang third overall selection.
Ang 5’6 namang si Pacquiao ang kinuha ng Kia Motors bilang No. 11 pick.
Personal pang tinawagan ng 35-anyos na si Pacquiao mula sa Beijing, China si Rain or Shine coach Yeng Guiao para pasalamatan sa hindi pagkuha sa kanya ng Elasto Painters.
Sisimulan nina Pacquiao at challenger Chris Algieri ang kanilang media tour sa Macau, China para paingayin ang banggaan nila sa Nobyembre 22 sa The Venetian.
Ang iba pang nahugot sa first round ay sina No. 2 guard Kevin Alas (Rain or Shine), No. 4 Fil-Am forward Matt Ganuelas-Rosser (NLEX), No. 5 Fil-Am guard Chris Banchero (Alaska), No. 6 forward Rodney Brondial (Ginebra), No. 7 Fil-Australian forward Anthony Semerad (Globalport), No. 8 forward Jake Pascual (Barako Bull), No. 9 guard Jericho Cruz (Rain or Shine), No. 10 Fil-Australian David Semerad (Barako Bull) at No. 12 guard Juami Tiongson (Blackwater).
Ang No. 7 pick ng San Mig Coffee Mixers ay pinalitan ng Batang Pier ng kanilang 2016 first round at 2018 second round picks at kinuha si Anthony Semerad.
Sa second round, kinuha ng Alaska si Fil-Am guard Rome Dela Rosa bilang No. 13 overall pick kasunod sina No. 14 forward Kevin Ray Espinosa (Rain or Shine), No. 15 forward Philip Paredes (Barako Bull), No. 16 forward Kristoffer Alas (Alaska), No. 17 center Prince Caperal (Globalport), No. 18 Fil-Am guard Philip Morrison (Barako Bull), No. 19 guard John Pinto (Globalport), No. 20 forward Harold Arboleda (Talk ‘N Text), No. 21 guard Mike Gamboa (Rain or Shine), No. 22 forward Gabriel Banal (San Miguel Beer), No. 23 forward Frank Golla Blackwater) at No. 24 forward Kyle Pascual (Kia Motors).
Nahugot naman sa third round ang pinsan ni Pacquiao na si center Rene Pacquiao (Kia Motors) at guard Brian Heruela (Blackwater) kasunod sina Maclean Sabellina (Blackwater) at Kenneth Ighalo (Kia) sa fourth round.
Sa fifth round ay napili sina Paolo Taha (Kia) at Juneric Baloria (Blackwater).