Batang Gilas hiniya ang Qatar

MANILA, Philippines - Bumangon ang National U-18 basketball team mula sa 15 puntos pagkakalubog sa huling yugto upang lumapit pa sa ha­ngaring puwesto sa knockout round sa kinuhang 82-79 panalo laban sa host Qatar noong Biyernes ng gabi sa Al-Gharafa Sports Club sa Doha, Qatar.

Matapos maghatid lamang ng 2.5 puntos sa mga naunang laro, nagpasabog si Dave Wilson Yu ng 16 puntos, kasama ang apat na triples, at siya ang bumu­hay sa matamlay na opensa ng Batang Gilas matapos maiwanan ng 15 puntos, 53-68, sa huling 7:43 ng labanan.

Sina Ranbill Tongco, Paul Desiderio at Kobe Paras ang kumumpleto sa pagbangon ng koponan upang maitaas ang karta sa 2-1 baraha.

Tumapos ang tatlong manlalaro bitbit ang tig-13 puntos at si Paras ay naghatid pa ng 4 steals, 4 rebounds at tig-isang block at assist sa pinaka-pro­duktibong laro sa liga.

Ang follow-up ni Tongco sa sariling mintis ay nasundan ng basket ni Desiderio matapos ang isang Qatari error upang hawakan ng Pilipinas ang 80-79 lead.

May 35 puntos, 12 re­bounds, 5 steals at 3 assists si Abdulrahman Mohamed Saad para sa host team na may 51% shooting (33-of-65) kumpara sa 34% lang ng nationals (30-of-87).

Ngunit may siyam na tres ang Pilipinas laban sa lima lang ng Qatar bukod sa 17-2 bentahe sa second chance points.

Kalaban kagabi ng Ba­tang Gilas ang two-time defending champion China bago harapin ngayon ang Malaysia sa pagtatapos ng second round.

Show comments