MANILA, Philippines - Nasa itaas ang Lithuania, Spain at US habang ang Gilas Pilipinas ay nasa ika-20th puwesto sa Power Ladder na inilabas ng FIBA siyam na araw bago magbukas ang 2014 FIBA WORLD Cup sa Spain.
May 5-6 baraha ang Pilipinas sa mga larong hinarap mula Mayo 29. Kasama sa binilang ang pangalawang puwestong pagtatapos sa FIBA Asia Cup sa Wuhan, China at ang limang pagkatalo sa Antibes, France at sa San Sebastian, Spain.
Hindi naman isinama ang resulta ng laro sa Mia-mi at Vitoria.
Kung ang kinabibilangang Group B sa World Cup ang pag-uusapan, ang tropa ni coach Chot Reyes ay nasa ikaapat na puwesto at angat sa Croatia at Senegal na mayroong 1-3 baraha.
Ang Puerto Rico ang nangunguna sa grupo sa 5-3 karta bago sinundan ng Greece (4-3) at Argentina (3-3).
Una sa pangkalahatan ang Lithuania na hindi natalo sa 10 laro habang ang Spain ay may 6-0 at ang US ay may 2-0.
Samantala, lumasap ng ikalimang sunod na kabiguan ang Gilas nang pabagsakin ng Angola, 74-83, na ginawa sa San Sebastian.
Tumapos si naturalized center Andray Blatche ng impresibong 33 puntos at 17 rebounds pero hindi sapat ito para manalo ang koponan.
Bigo man ay may positibong bagay na nakita sa laro ng koponan at bukod ang pagdodomina ni Blatche ay nakabalik na rin sa paglalaro si Jayson Castro na na-sprain sa laro laban sa Euzkadi-Basque noong Miyerkules.
Sa 15 minutong paglalaro si Castro ay naghatid ito ng dalawang puntos.