MANILA, Philipines – Muling magbabalik sa Pilipinas ang dating National Basketball Association (NBA) superstar na si Gilbert Arenas sa Nobyembre makalipas ang anim na taon.
Sasamahan ni Arenas si dating NBA MVP Allen Iverson para sa isang basketball fundraiser para sa Gawad Kalinga sa Nobyembre 5 sa Mall of Asia Arena.
Upang mas mapasaya pa ang charity event, kasama rin nina Iverson at Arenas si Eddie Curry at mga manlalaro mula sa NCAA, UAAP, at PBA.
Makakalaban nila ang Ball Up Streetball All-Stars na hahawakan ni Iverson.
“I’m excited to come back and see everyone in the Philippines,” wika ni Arenas. “It’s been six years, but I can still remember the warmth and love I received from my Filipino fans. I’m so honored and blessed to be a part of this event and help build homes for the poor.”
Kinilalang Most Improved Player si Arenas noong 2003, habang huli siyang naglaro sa NBA para sa Memphis Grizzlies.
Maaari nang bumili ng tiket para sa “All In” event sa SM Tickets outlets, PcWorx branches, at sa www.smtickets.com.
Nagkakahalaga ng P6,500 ang VIP section, P5,500 sa Patron, P4,000 sa Lower Box, P2,000 sa Upper Box at P600 sa General Admission.