3 San Mig cagers, Taulava pararangalan sa PBAPC Annual Awards
MANILA, Philippines - Tatlong players mula sa Grand Slam champion San Mig Super Coffee ang gagawaran ng individual honors ng PBA Press Corps sa 2014 Annual Awards Night sa Agosto 21 sa Richmond Hotel sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Sa ikatlong pagkakataon sa kanyang career, napili si forward Marc Pingris bilang Defensive Player of the Year na kanyang nakamit noong 2013 at 2006.
Samantala, si Asi Taulava ng Air21 ang nahirang na Bogs Adornado Comeback Player of the Year at si Talk ’N Text guard Jayson Castro ang tinanghal na Scoring Champion.
Sa pagkakaroon ng tatlong Defensive Player of the Year plums ay nakatabla ni Pingris si dating Shell stopper Chris Jackson na nanalo noong 1998, 1999 at 2001.
Nagtala si Pingris ng mga averages na 9.75 points at 7.44 rebounds noong nakaraang season.
Ang kanyang mga kakamping sina Peter June Simon at Mark Barroca ang gagawaran naman ng Quality Minutes at Order of Merit awards, ayon sa pagkakasunod.
Naglista si Simon ng mga averages na 13.52 points, 3.39 assists at 1.64 assists para sa pagwalis ng Mixers sa tatlong koperensya.
Si Barroca naman ang player na pinakamaraming natanggap na Accel-PBA Press Corps Player of the Week honors at nagtala ng mga averages na 10.72 points, 3.83 rebounds at 2.68 assists.
- Latest