Lady eagles kumikikig pa, bulldogs pinigil ang rising suns
MANILA, Philippines - Nagsanib sa pitong aces sina Michelle Morente at Julia Morado sa ikalima at huling set para kunin ng Ateneo ang ikaapat na sunod na panalo sa 25-18, 19-25, 21-25, 25-21, 16-14, tagumpay sa Army sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
May 28 puntos si Alyssa Valdez na kinatampukan ng 22 kills at apat na blocks at siya ang sinandalan sa fourth set para maihirit ang 2-2 iskor sa best of five sets.
Pero sa deciding game, lumabas ang galing nina Morente at Morado para umakyat ang Lady Eagles sa 6-5 karta sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s bukod sa Accel at Mikasa.
Napalapit sila ng kalahating laro sa pumapang-apat na nagdedepensang Cagayan Valley (6-4) nang masilat ng talsik ng National University, 25-23 25-19, 16-25, 14-25,14-16, sa unang laro.
Limang sunod na service aces ang ginawa ni Morente para tabunan ng Ateneo ang 5-9 iskor at nakalamang pa sa 11-9.
Nakabawi ang Lady Troopers sa pagtutulungan nina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga at Tina Salak para lumamang sa 12-11 pero naitabla ni Amy Ahomiro ang laro sa ma-tinding kill.
Si Ahomiro na may 17 puntos ang nagbigay ng match point sa semifinalist ng Army sa isang service error, pero kinapitan ng suwerte ang Ateneo dahil matapos ang service error ni MaryJean Balse ay nagpakawala ng magkadikit na aces si Morado tungo sa panalo.
Si Morente na may 10 aces ay naghatid ng 17 puntos habang si Morado ay may limang hits upang isama sa 51 excellent sets.
Ito ang ikatlong pagkatalo sa 11 laro ng Army at si Daquis ang nanguna sa koponan sa 17 kills at tig-tatlong aces at blocks tungo sa 23 puntos.
Si Jaja Santiago ay may 24 hits mula sa 21 kills at 2 blocks pero naroroon ang suporta ng kasamahan na sina Myla Pablo, Rizza Mandapat at Ivy Perez sa 15, 10 at 10 puntos para tapusin ang tatlong dikit na talo tungo sa 4-7 karta.
- Latest