Bersamina itinulak ang Team Phl sa 2-2 draw vs Bosnia Herzegovina
MANILA, Philippines - Iniligtas ni rookie Paulo Bersamina ang kampanya ng Team Philippines na nakapuwersa ng 2-2 draw sa Bosnia Herzegovina, habang tinalo ng women’s squad ang International Chess Committee of the Deaf, 3.5-.5, sa 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway noong Linggo ng gabi.
Isang last-minute replacement para kay Wesley So na piniling maging coach ng American men’s team, ginamit ng 16-anyos na si Bersamina ang dalawa niyang bishops para talunin si FIDE Master Dejan Marjanovic sa 50 moves ng isang King’s Indian Defense.
Nagtabla naman ang laro nina Grandmaster Julio Catalino Sadorra at GM Borki Predojevic sa isang 51-move ng French transposed.
Nakipaghati ng puntos si GM Eugene Torre okay International Master Denis Kadric sa 45 moves ng isang Pirc Defense.
Ang tanging nabigo ay si GM John Paul Gomez na nawala sa Accelerated Dragon variation ng Sicilian na sinamantala ni GM Dalibor Stojanovic sa 37 moves.
Lalabanan ng mga Filipino, nasa 12-team logjam para sa 20th place, si dating World Challenger GM Vassily Ivanchuk at ang second-seeded na Ukranians sa third round.
Ipinagpatuloy naman ng women’s squad ang kanilang arangkada nang manalo sina Cheradine Camacho, Janelle Mae Frayna at Jan Jodilyn Fronda laban kina Tatiana Baklanova, Annegret Mucha at Natalya Myronenko, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ni Camacho, estudyante ni dating Olympiad veteran at kilalang trainer na si Rodolfo Tan Cardoso, si Baklanova sa 54-move ng kanilang French battle.
Katabla ng mga Filipina sa unahan ang 31 pang bansa kasama ang top seed na China at defending champion na Russia sa magkakatulad nilang 4.0 points.
Susunod nilang lalabanan ang eighth seed Poland.
- Latest