MANILA, Philippines - Bumangon ang Army Lady Troopers mula sa double-match point para maitakas ang 25-22, 25-13, 28-30, 20-25, 16-14, panalo sa Ateneo Lady Eagles sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hawak na ng Lady Eagles ang 14-12 kalamangan matapos ang block ni Bea De Leon kay Rachel Ann Daquis ngunit binigyan ni Julia Morada ng pagkakataon ang Army sa kanyang service error.
Gumanti ng service ace si Daquis bago nailusot ni Nerissa Bautista ang atake sa mga blockers ng Ateneo para sa matchpoint ng Lady Troopers.
Tuluyang tinapos ni Jovelyn Gonzaga ang laro sa kill mula sa magandang set ni Tina Salak at ang Army ay nakasalo sa PLDT sa unang puwesto (6-1) sa ligang inorgansia ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa suporta ng Mikasa at Accel.
May 16 puntos si Daquis habang sina Gonzaga, Mary Jean Balse at Bautista ay may 15, 15 at 11 puntos.
Si Alyssa Valdez ay mayroong 28 kills tungo sa 29 puntos para sa Ateneo na may 2-4 karta.
Sinandalan ng Air Force-Air Spikers ang lakas sa pag-atake para mapaamo ang National University Lady Bulldogs, 25-21, 25-21, 25-22, sa unang laro.
May 37 excellent sets si Rhea Dimaculangan at ang nabiyayaan nito ay sina Joy Cases at Maika Ortiz na nagtambal sa 18 kills tungo sa 42-34 bentahe sa nasabing departamento.
Si Cases ang nanguna sa pagpuntos sa 11 puntos at 10 dito ay sa kills habang may siyam sa laro si Maika Ortiz tulad ni May Ann Pantino para wakasan ng Air Force ang elimination round tangan ang 4-3 karta.
Ang NU ay may 3-4 karta at selyado na ang ikalimang puwesto dahil tinalo nila ang Ateneo sa kanilang head-to-head.