MANILA, Philippines - Si Fil-American guard Stanley Pringle ang magiging first overall pick sa 2014 PBA draft sa Agosto 24 sa Robinson’s Manila.
Ito ang kinumpirma ni Globalport team Governor Erick Arejola kamakalawa.
Bagamat’t hindi pa nakakapaglaro si Pringle sa PBA D-League, papayagan siyang lumahok sa draft sa ilalim ng exception rule para sa mga Fil-foreigners na may edad 27-anyos pataas.
Ang mga Fil-foreigners na may edad 27-anyos pababa ay kailangang maglaro ng dalawang PBA D-League conferences para mapasama sa draft.
Kinumpirma ng PBA na nagsumite na si Pringle ng kinakailangang Bureau of Immigration and Department of Justice documents para mapatotohanan ang kanyang dual citizenship.
Ang mga dokumento ay requirements para sa mga Fil-foreigners na magsusumite ng kanilang aplikasyon para sa draft.
Sa isang email mula sa kanyang tahanan sa Virginia Beach, sinabi niyang magtutungo siya sa Manila para sa biometrics testing at sa draft.
“I think the PBA is a great league and highly-respected,” wika ni Pringle, naglaro ng dalawang taon para sa Penn State bago kumampanya sa Belgium, Poland, Ukraine at Indonesia.
“Everybody I know who’s played there had nothing but positive words to say about it. Gabe Norwood, the first person to let me know about the PBA back when he was in the PBL, and Justin Melton, a good friend of mine growing up, are both an admiration because I know how hard they work. Denzel Bowles and Vernon Macklin also had great things to say about the league,” ani Pringle.
Ang ina ni Pringle na si Elvira Ojano ay tubong Cagayan Valley, habang ang kanyang amang si Stanley, Sr. ay isang retired US Navy veteran.