Delos Santos dinomina ang women’s event; Determinasyon sinandigan ni Raquin sa pagkopo ng Milo Marathon Manila leg

MANILA, Philippines - Pinatotohanan ni Ireneo Raquin ang kasabihang ‘kapag may tiyaga, may nilaga’.

Sa pang-anim na pag­lahok niya ay nakamit ng 29-anyos na si Raquin ang tagumpay.

Nagsumite si Raquin ng bilis na 2:31:15 para makopo ang titulo sa 42-kilometer event ng Manila leg sa 38th MILO National Marathon kahapon sa SM Mall of Asia Grounds sa Pasay City.

Halos dalawang oras lamang ang itinulog ni Raquin matapos dumating sa Maynila mula sa pagsasa­nay sa Baguio City.

“Tiyaga lang ang naging puhunan ko at determi­nas­yon,” ani Raquin, tinalo sina Jeson Agravante (2:38:36) at Rafael Poliquit, Jr. (2:­44:15) para mapasama sa 2014 MILO National Finals na nakatakda sa Disyembre 7 sa SM Mall of Asia grounds.

Dalawang tiket para sa 2015 Tokyo Marathon ang pag-aagawan para sa National Finals.

“Mula nang sumali ako rito sa MILO noong 2005 hindi pa talaga ako nana­nalo,” sabi pa ni Raquin, tubong Occidental Mindoro. “Ngayong ako ang nag-champion talagang masayang-masaya ako. Very proud ako sa sarili ko.”

Sa kanyang paghahari ay nakamit ni Raquin, isang full-time runner, ang prem­yong P50,000.

Ayon kay Raquin, ang bahagi nito ay kanyang gagamitin para sa pang­gas­tos sa planong pagtatrabaho ng kanyang kina­kasama sa Hong Kong bi­lang domestic helper.

“Siguro mga P30,000 ang kakailanganin niya, kaya ‘yung iba ilalaan ko sa baby namin,” sabi ni Raquin sa kanilang five-month old baby boy.

Sa women’s division, nagrehistro si Mary Grace Delos Santos ng bilis na 3:08:18 para kunin ang titulo at ang premyong P50,000.

“Siyempre, ilalagay ko sa bangko ‘yung premyo ko para magamit ko rin sa mga gastusin sa bahay at sa preparation ko para sa National Finals,” sabi ng 27-anyos na enlisted personnel sa Air Force.

Tinalo ni Delos Santos sina Jennylyn Nobleza (3:17:43) at Aileen Tolentino (3:33:04).

Ang iba pang nagwagi sa kani-kanilang mga event ay sina Archie Patubo (1:16:36) at Jho-An Bana­yag (1:30:33) sa 21K; ang mga Kenyans na sina Jackson Chirchir (00:32:38) at Irene Kipchumba (00:39:35) sa 10K; sina Michael Icao (00:16:52) at Vilma Santa Ana (00:20:42) sa 5K; at sina George Tan (00:11:18)  at Rishane Ashira Abellar (00:15:46) sa 3K.

Matapos ang Manila leg ay idaraos naman ang pang-anim na qualifying leg sa Naga (Agosto 24), Lucena (Agosto 31), Puerto Princesa (Setyembre 7), Lipa (Setyembre 14), Iloilo (Setyembre 21), Bacolod (Setyembre 28), Tagbilaran (Oktubre 5), Cebu (Oktubre 12), Butuan (Oktubre 19), Cagayan De Oro (Nobyembre 9) General Santos City (Nobyembre 16) at Davao (Nobyembre 23).

Noong nakaraang taon ay sina Eduardo Buenavista at Mary Joy Tabal ang nanguna sa 2013 National Finals na nagbigay sa kanila ng pagkakataong makalahok sa 2014 Paris Marathon noong Abril.

Show comments