MANILA, Philippines - Inangkin ng Generika-Army Lady Troopers ang 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament women’s title nang igupo ang hamon ng RC Cola-Air Force Raiders, 25-22, 25-19, 25-16, sa finals kagabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang dating national player na si Mary Jean Balse ay may 16 puntos na kinatampukan ng tig-tatlong blocks at service aces habang si Tina Salak ay naghatid ng 24 excellent sets para paningningin ang panalo na ikatlong sunod na kampeonato sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Sina Joy Cases at Judy Ann Caballejo ay may 12 at 11 puntos para sa Raiders na minalas na bumigay matapos ang mahigpitang labanan sa naunang dalawang sets.
Sa lahat ng sets ay lamang agad ang Lady Troopers para agad na lagyan ng pressure ang Raiders na nasa ikalawang pagsali pa lamang sa PSL at naibaon din sa limot ang kawalan ng panalo noong nakaraang conference sa paglapag sa ikalawang puwesto.
Hindi rin binigo ng PLDT-Air Force Home TVolution ang mga nananalig na makukumpleto nila ang magandang ipinakita sa double round elimination sa men’s division nang ipalasap sa Cignal HD Spikers ang 25-21, 25-21, 25-21, pagkatalo tungo sa kampeonato sa kalalakihan.
Bago ito ay tinalo muna ng PLDT TVolution-Power Attackers ang expansion team AirAsia-Flying Spikers, 25-17, 18-25, 25-18, 25-23, para sa ikatlong puwesto.
Si Sue Roces ay may 16 puntos para sa balanseng pag-atake ng Power Attackers upang itulak ang Flying Spikers sa ikaapat na puwesto.